“Ang Aking Paglalakbay”

Ang paglalakbay ay isa sa pinakamasayang gawin lalo na kung kasama ang aking pamilya ay isa pinakamagandang alaala na nangyari sa akin noong nakaraang taon, Abril 2017. May kalayuan ang aming pinuntahan kaya naman naging masaya ako at ang aking mga kasama sa mabilis na pagtakbo ng dyip na aming sinasakyan. Maiisip mo na masaya ang maglakbay kung saan dahil sa makakatuklas ka ng mga kakaiba at magagandang ipinagmamalaki ng lugar. Bilang isang kabataan, nais kong malibot ang buong Pilipinas upang malaman kung ano ba ang meron dito.

 

Habang sakay ako ng humahagibis na dyip, aking nasilayan ang magandang tanawin na tinatawag na Tres Reyes. Binubuo ito ng tatlong malalaking isla na matatagpuan sa Gasan, Marinduque. Abala ang aking mga kasama sa pagkuha ng mga litrato na sa bawat makitang tanawin ay mamamangha ka sa ganda nito. Makalipas ang mahabang biyahe papuntang Buenavista, Marinduque, agad kaming bumaba ng dyip at nagtungo sa hagdan paakyat. Sa bawat estasyon ay may santo na makikita tulad ng Poong Nazareno. May isang maliit na kapilya ang makikita sa bandang kaliwa nito. Pumasok kami sa loob ng kapilya at nakita na nakahimlay ang katawan ng Poong Hesukristo. Nakahiga ito sa isang makintab na kabaong at ang bintana nito ay babasagin na nakapalibot dito. Mahinahon kaming nagdasal sa tabi nito at pagkatapos ay nag-alay ng pera. Pagkatapos ay nagpatuloy na kami sa pag-akyat upang makarating sa tuktok. Kahit ako ay pagod na nagpatuloy pa rin ako sa pag-akyat. Bumubungad sa akin ang mga kumpol na bulaklak at sariwang hangin na aking nararamdaman. Mayamaya ay nakarating na kami sa pinakadulo ng hagdan. Agad kong nakita ang rebulto ng mahal na Birhen. Nakasuot ito ng puting damit na hanggang talampakan na may talukbong sa ulo. Nakahilig ang ulo nito at magkadikit ang dalawang palad na nakatapat sa dibdib nito. Maamo ang mukha nito at may mapupungay na mata. Agad na kumuha ng litrato ang aking mga kasama. Makikita mo rin sa itaas ang Mt. Malindig. Umuusok ang bunganga nito at natatakpan ng mga ulap dahil sa ito ay nasa malayo. Kung titingin ka sa bandang baba makikita mo ang dikit-dikit na mga bundok. Nakakaaliw pagmasdan ang paligid dahil sa magandang tanawin. Nagdasal din kami dito at nagpasalamat sa mga biyayang natatanggap namin. Makalipas ang ilang oras, bumaba na kami upang kami ay makauwi na. Kumain kami ng biko na nakahain sa isang bilao. Napakasarap ng biko dahil may latik sa ibabaw at tinudtod na mani sa halagang 150 ang isang bilao. Bumili rin kami ng pansit na may pinigaang kalamansi na nagpaasim dito, ito ay nasa halagang 150 kada bilao. Dumagdag pa ang halo-halo na may iba’t ibang sahog tulad ng sago’t gulaman, saging at iba pa na nagkakahalagang 20 pesos. Nakilala namin si Aling Tina kasama ang kaniyang panganay na anak na si Justine at ang kaniyang dalawang apo na sina Lerie at Alex. Umabot sa 500-1000 pesos ang aming nagastos para sa pagkain dahil sa pagod at gutom. Nabusog kaming lahat dahil sa sarap ng aming mga kinain. Masayang masaya ang lahat na nagbabalak pang bumalik para matikman ulit ang mga kinain nito.

 

Napakasayang maglakbay kung kasama ang ating pamilya. Higit na magiging hindi makakalimutang sandali ang paglalakbay mo kung nasiyahan ka sa paglalakbay mo. Marami pa akong gustong puntahan lalo na sa labas ng Pilipinas. Bukod sa maraming matutuklasan, marami rin ang matututunan mo mula sa iyong paglalakbay. Sana sa susunod na taon sa ibang lugar naman ako makakarating kasama ang aking pamilya.

Leave a comment